Ang Sanlibong Mga Sikulo Ni Mikha Salcedo

Maikling Kuwento

Nagmadali akong umuwi bitbit ang relong nabili ko sa manong na naglalako sa labas ng Quiapo. Nakalimutan ko na maging ang grocery na talagang pakay ko sa paglabas kaninang umaga. Imbes, itong makintab na mumunting bagay, ang stainless steel na strap na nakayakap sa bilog na mukha, sa gilid niyon ang dalawang maliit na pindutan sa magkabilang panig ng pihitan, ang bumihag sa atensiyon ko at hindi na nga kumawala.

Kakaibang uri ito ng relo, ang kaninang paliwanag ng naglalako nito sa tonong tila may halong pagbabanta. Re-sikulo, ang sabi ng talilis na mga letrang nakaukit sa kahon nitong yari sa pekeng balat. “Pitikin mo lang ito,” sabi niya habang nakaturo sa maliit na pindutan sa bandang kanan ng pihitan, “at dadalhin ka nito sa ibang sikulo ng multiberso, sa ibang sangay ng panahon.”

Sa sandaling iyon pa lamang, habang pinagmamasdan ang tinuturo niyang mga pindutan sa gilid ng relo – ng resikulo – ay alam ko na kung para saan, para kanino, ko gagamitin ang kakaibang makinang ito. “Kapag ito naman ang pinitik mo,” turo naman siya sa pindutan sa kanan, “ay ibabalik ka niya dito, sa sangay kung saan ka nanggaling.”

“Bago ‘to?” tanong ko, habang pinupulot at pinapakiramdaman ng mga daliri  ang makinis na strap ng relo. Kumikinang ang bawat bahagi nito sa aliwalas ng tanghali, nagliliwanag sa pangako.

Napailing doon ang manong. “Second-hand.”

“Ano’ng ginagawa nitong pihitan?”

“Kaya ka niyang i-abante, i-atras sa oras sa kung nasaang sangay ka, pero hindi na siya gumagana ngayon. Naibagsak ng dating may-ari.”

Ngayong mag-isa uli sa apartment, at hawak ang resikulo, binaliktad ko ang relo at nakita sa ilalim ang isang maliit na yupi sa bakal na katawan, ang naiwan ng dati nitong may-ari. Hindi na bale, basta’t gumagana. Sinuot ko sa kaliwang pulso ang resikulo at pinihit ito hanggang sa ipakita ang tamang oras. Sumilakbo sa isip ko ang mga gunita ni Mikha: ang pula niyang buhok na nagngangalit sa ilalim ng tirik na araw habang nagpapalibot-libot kami sa Calle Crisologo sa Vigan noong honeymoon namin, ang mga patak ng tubig na tumatama sa kaniyang pisngi at nakangiting labi isang beses na naabutan kaming walang payong sa ilalim ng biglaang ulan habang namamalengke.

Nakapuwesto na agad sa pindutan ang daliri ko. Sa huling pagkakatoon, sinuri ko ang madilim na mga sulok ng hungkag na apartment na nilubayan na ng kaniyang presensiya. Ang mga pinggan na hindi pa nahuhugasan sa lababo, ang mga damit sa ibabaw ng washing machine na hindi pa rin nalalabhan sa takot kong mawawala nila ang naiwan niyang amoy. Lahat ito naging saksi sa biglaan niyang pag-alis. Handa na akong iwan ang lahat ng ito, patungo sa ibang mundo kung saan kami nanatili.

Hindi ko alam kung ano’ng itsura ng ibang mga sikulo ng mundo, kung magkakilala pa rin ba kami ni Mikha sa ibang mga sangay ng panahon, pero pagdating kay Mikha walang tandang pananong sa pagkikita namin. Alam kong magkikita kami: sa Kyusi, sa UP, sa paborito naming bookstore sa BGC. Kailangan ko lang pumili kung saan, at paniguradong naroon siya, angat ang pulang buhok sa pulutong ng mga tao, at nakangiti sa akin.

Umaasa pa rin, hinintay kong bumalik din ang oras kasunod ng pagpihit niya, ngunit nanatili pa rin kaming magkatabing nakaupo sa kama, kung kailan huli na ang lahat.

Sunod ko nang narinig ang malamlam na mga tono ng gitara na nanggagaling sa entablado sa harap namin, at tuluyan na ngang nagising nang masagi ako ng isang binatang nagpapaugoy-ugoy kasabay ng musika. Muntik na akong napatihaya, ngunit agad napakapit sa pamilyar na katawan na nakatayo sa aking tabi.

“Sabi ko sa’yo hindi tayo dapat masyadong lumapit, ang sikip dito,” sabi ni Mikha. Malalim na ang gabi, at nasa gitna kami ng isang pulutong ng mga estudyante na nakikinig sa isang konsiyerto sa kalagitnaan ng sunken garden sa Diliman. Mas bata ngayon tignan si Mikha, at mula sa petsa na naka-display sa screen ng phone na hawak ng isang estudyante sa harap namin, nalaman kong sampung taon ang ibinata namin pareho, sapagkat taon iyon na pareho kaming nasa kolehiyo.

“Pero hindi ba paborito mo sila,” ang bigla kong nasabi. Tinuro ko ang bokalistang humaharana ngayon sa malalim niyang boses, habang sinasabayan naman siya ng mga estudyanteng nanonood na bigkasin ang mga lirikong puno ng pagsisisi at pighati. Tumango si Mikha, at muling ibinaling ang kaniyang atensiyon sa banda. Sumandal siya sa akin, at nakaramdam ako ng bahagyang panginginig. Hindi niya alam na tatlong taon ko nang hinanap ang bigat ng katawan na iyon na nakasandal sa akin, ang amoy ng paborito niyang cologne, at ang namumulang mga hibla ng buhok na tila sumasayaw din sa bawat ihip ng hangin.

Ngunit agad din na naubos ang kaginhawaan na bumalot sa akin.  Lumabo sa paningin ko ang bandang tumutugtog sa entablado, at napalitan ng imahe ng mga puting linyang nagsasangay-sangay sa hangin. Ang bawat isang linya kumakatawan sa isang sikulo ng aming mundo, pahaba nang pahaba, at dito’t doon ay nahahati sa marami pang mga linya na halos umabot na sa mga bituin sa langit. Masyado akong maaga nang sampung taon: marami pang hindi tiyak na nasa hinaharap namin. Paano kung ilang taon pa ang lumipas, at hahantong din kami sa parehong katapusan? Hindi puwede dito. Kailangan kong humanap ng iba pang sangay na mas tiyak ang pagsasama namin. Napatingin ako sa resikulong suot ko pa rin sa aking kaliwang pulso.

“Bagong relo? Ngayon ko lang napansin iyan.” biglang tanong ni Mikha na nakatingin din sa suot kong relo. “May hinahabol ka bang oras?”

Napailing ako. Itinago ko ang relo sa pamamagitan ng pagbulsa ng kaliwa kong kamay, habang ibinaling ko naman sa balikat niya ang aking kanan. Napangiti siya, may panunukso sa kaniyang mga mata.  “Rinig ko hanggang dito ang bilis ng puso mo. Kinakabahan ka ba sa’kin?”

“Kinakabahan lang na baka gusto mo nang umalis.”

“Ano ka ba,” tinapik niya ‘ko sa balikat. “Ikaw nga ‘tong tingin nang tingin sa relo mo.”

Ladies and gentlemen, without further ado, the Manila Bank Professorial Lecture by our very own Professor Lim.”

Medyo nanginginig pa ang mga hakbang ko nang akyatin ko ang stage at lapitan ang podium. Doon, nakipagkamay ako sa host na nagbigay ng mahabang intro tungkol sa tila napakahaba at matagumpay kong karera. Sa likod ko, may malaking screen na nagpapakita ng litrato ko mula sampung taon na ang nakalipas—bago dumating ang mga uban at sakit sa kasukasuan. At paano naman si Mikha? Kailan siya dumating sa sikulong ito?

Nginitian ko ang pulutong na pumapalakpak pa rin sa harap ko sa kani-kanilang mga upuan. May sandaling wala akong makita sa mga mukha ng alinman sa kanila dahil sa liwanag ng mga ilaw na nakatutok sa akin. Ngunit nang unti-unti nang nasanay ang mga mata ko, walang mintis kong nakilala ang pulang buhok sa ikalima o ikaanim na hanay ng mga upuan. At agad ko rin napansin ang mabigat na ngiting buhat ng mukhang iyon. Anong klaseng sikulo ito? Ito ako, at nariyan siya, ngunit bakit tila hindi kami masaya?

“Mikha, sandali!” muntik ko na siyang hindi naabutan pagkatapos ng mahabang lektura. Napahinto siya nang hawak ang bukas na pinto ng pinara niyang taksi. Tumambad sa’kin ang mabigat na ngiting naaninag ko kanina, ngayo’y kasabay naman ng malamlam niyang boses.

“Congratulations,” bati niya. “Pasensiya ka na hindi ako makapag-stay sa mixer. Wala naman akong kilala talaga sa mga iyan, ikaw lang ang pinunta ko.”

Nagsimula na siyang pumasok uli sa taksi, ngunit pinigilan ko siya. Napahawak ako sa balikat niya, at muli ay nakaramdam nang nginig na parang kuryenteng dumaloy mula sa kaniyang balat papunta sa akin nang magdikit kami. “Sandali lang.”

“Tumatakbo ‘yong metro,” sabi niya.

“Puwede ba kitang samahan?”

May ilang segundo rin na wala siyang maisagot. Pinanood kong bumuka ang bibig niya, ngunit walang tinig na lumabas mula roon. Hanggang sa wakas ay napatango siya, pumasok sa loob ng taksi, ngunit iniwang bukas ang pinto upang makapasok din ako.

Saan kami dinala ng taksi: sa isang masikip na apartment sa kalagitnaan ng Mandaluyong. Si Mikha ang tanging may hawak ng susi, ngunit pamilyar maging ang mga sulok na hindi naaabot ng ilaw. Dama ko ang mga alaalang nag-uumapaw mula sa mga cabinet, iyong mga naiwan na parang alikabok sa kobrekama. Umupo siya sa paanan ng higaan, at ako naman sa sahig sa harap niya.

“Ano’ng nangyari sa’tin?”

Napasinghal siya, ngunit walang galit na makikita sa kaniyang mukha. Imbes ay kita ko ang lungkot sa mga sulok ng kaniyang mata at labi na nagsisimula nang kumulubot, at naramdaman ko ang pighating kaparis nila sa kaila-ilaliman naman ng aking sikmura. Hindi siya sumagot, at sa katunaya’y hindi na niya kinailangan pa, sapagkat ikinuwento sa’kin mismo ng mga gamit at pader ng apartment ang kuwento naming dalawa. Ang kamang iyon, kung saan niya pinalipas ang mga gabi na hinhintay akong umuwi galing sa trabaho. Doon sa may sofa, kung saan siya ilang beses na nakatulog habang pinakikinggan ang boses ko sa telepono sa mahabang mga buwan na nasa ibang bansa ako para lumahok sa mga conference at magbigay ng lektura sa iba’t ibang mga unibersidad.

Lumipat ako sa tabi niya sa kama, at dahan-dahan niyang isinandal ang ulo niya sa kanang balikat ko. Naroon uli ang amoy ng paborito niyang cologne. Ang pulang buhok na ngayo’y nagsisilbing pantakas niya sa mabilis na pamumuti ng bawat hibla. Nagkasabay ang malalalim naming paghinga.

“I’m sorry,” bulong ko sa tainga niya. “Hindi ko dapat hinayaang magkahiwalay tayo.”

Umiling siya. “Ilang beses ka bang manghihingi ng tawad para sa mga bagay na tapos na?” Tumingala siya, at nag-abot kami ng tingin. Sa kung anong dahilan ay naramdaman kong ito yata ang unang beses sa mahabang panahon na nagkatinginan kami nang mata sa mata. “May panahon noon na may ibig sabihin pa sana ‘yon. Bakit ngayon ka lang dumating?”

Sa pagkakasabi niya niyon ay kusa kong inangat ang kaliwa kong kamay, at pareho naming pinagmasdan ang relo na nakakapit sa pulso ko. Pinagmasdan ko ang pihitan sa pagitan ng mga pindutan niyon, inaalala ang sinabi ng manong na nagbenta sa’kin niyon sa kung papaanong hindi na gumagana ang makina nitong magpaatras-abante sa kasalukuyang oras. Tila naiintindihan niya ang pakay ko, inangat naman ni Mikha ang kanang kamay niya, inabot ang pihitan, at pinagalaw ang maliliit na kamay ng relo pabalik. Umaasa pa rin, hinintay kong bumalik din ang oras kasunod ng pagpihit niya, ngunit nanatili pa rin kaming magkatabing nakaupo sa kama, kung kailan huli na ang lahat.

“Hindi ka puwedeng magtagal dito,” maya’t maya lang ay sabi niya sa’kin. At nakaramdam ako ng hapdi sa dibdib sa katotohanang abante lang ang tanging takbo ng oras namin. “Hinihintay ka na siguro ang asawa mo.”

Paano kung wala nang susunod na sikulo? Kung dito ka na lang? Ano naman kung hindi ito ‘yong tamang timeline.

Naglalakad muli sa kalagitnaan ng isa nanamang pulutong, tila inaanod ng mga tao mula sa isang masikip na pasilyo at papasok sa isang malaking stadium na nagsusumabog sa ingay at ilaw. Nag-iisa lang ako sa masang iyon, ngunit alam kong narito siya kahit hindi ko pa siya nakikita. Alam kong masisilayan siya kahit sa tila libu-libong mga mukhang nakapaligid sa’kin sa gabing ito.

Nahinto kami sa bandang harapan mismo ng entablado. Maya-maya lang rin ay pinatay na nila ang mga ilaw sa loob ng stadium, at nabalot kami sa payak na kadiliman. Kasabay niyon ang sabay-sabay na hiyawan ng mga taong sabik na sabik sa pagsisimula ng dinayo nilang pagtatanghal.

At narinig ko nga ang boses niya mula sa mga naglalakihang mga speakers sa buong paligid ng stadium. Hindi ako nagkakamali sa tinig na iyon: malamlam at may bahagyang pagkaligasgas, binibigkas ang liriko ng isang kantang ngayon ko lang narinig ngunit tila dala-dala ko mismo sa puso ko. May isang kulay dilaw na spotlight na bumukas, at naroon na nga siya sa itaas ng entablado, kumikinang sa ilaw ang pula niyang buhok, at nagtila mga bituin ang puting mga ngipin. Nakatingala siya sa hangin at tinutugtog ang gitara niyang pinintahang kasing-pula ng kaniyang buhok.

We love you Mikha! ang sabay-sabay na hiyawan ng mga umiidolo sa kaniya sa paligid ko, habang ang iba naman ay nakikisabay sa pagkanta niya. Palakas nang palakas ang pagyanig ng sahig sa ilalim ng paa ko habang unti-unti ay nagsasabayan silang magsitalon kasabay ng bumibilis na ritmo ng awit. Tinutulak ng instinkto, umabante ako sa nagtatalunan at nagkakantahang mga masa. Kinalaban ko ang mga alon na tila nagpipilit sa’kin bumalik. Papalapit ako nang papalapit sa kaniya, hanggang sa tila abot kamay na siya.

“Ser, hanggang diyan lang po,” ang singhal sa’kin ng guard na nakatayo sa kabilang panig ng de-bakal na barrier sa paanan mismo ng entablado. Tinitigan niya ako nang nagbabanta. Sinuri ko ang bakal at ang guard na naghihiwalay sa amin ni Mikha. Patuloy lang siya sa pagkanta, at ngayo’y inaabot na nga ang mataas na koro, nang hindi ako napapansin.

“Ser, ipapa-kick out ko kayo pag tinangka niyo. Lumayo na lang po kayo,” muling babala ng guard sa akin. Doon ko lamang napansin na nakahawak pa rin pala ako sa de-bakal na barrier, at bagkus ay nakatungtong na ang kanang paa at tila bumubuwelong tumalon.

Umatras ako mula sa barrier, muling pinagmasdan kung paano niya napapasunod ang mga masa sa bawat pagbirit at pagkumpas, isang diyosa sa harap ng kaniyang mga deboto. Hindi ko na napansing anurin ako muli ng pulutong, at unti-unti nang natulak pabalik sa kaninang puwesto, malayo sa kaniya, bilang isa lamang sa mga libu-libong anonimong humahanga at umaasang mapapansin niya.

Muli akong ibinalik sa sunken garden, nakaupo sa isa sa mga batong upuan at pinapanood ang mga dumadaang jeepney. Sa pagitan namin, ramdam ko ang mga daliri niyang nakapatong sa kamay kong nakalapad sa upuan. Walang tigil ang pagbalot ng dilim habang lumalalim ang gabi, at nauubos na ang mga estudyanteng nakaabang at pumapara mula sa mga hintuan ng jeep. Biyernes, ang huling araw ng pasok nitong taon bago magbakasyon para sa pasko at bagong taon. Ilang oras pa at kakailanganin na niyang umuwi: darating ang sundo niyang kotse na mag-aakyat sa kaniya pa-Norte sa probinsiya nila sa Tarlac, habang mag-isa naman akong babiyahe pabalik sa amin sa Maynila at sisimulan ang mahabang tatlong linggo ng paghihintay.

Pero mamaya pa ‘yon. Sa ngayon ay pilit naming pinapahaba ang nauubos na sandali, sakaling mapaabot namin ito sa walang hanggan. Tila ba wala nang bawian ang susunod na pamamaalam, kaya huwag muna tayong umuwi. Lumingon ako sa kaniya. Nakatingin siya sa’kin at mukhang may gustong sabihin. Diniinan ko ang hawak sa kaniyang kamay. Napalayo naman siya ng tingin, lumunok.

“Ano ba’ng nasa isip mo?” ang bigla mong naitanong.

“Iniisip ko kung ito na ba ‘yon.”

Napatingin ulit siya sa akin. “Ang alin?”

“Ang tamang timeline.”

“Timeline?”

Sa kung anong dahilan ay napagtanto kong sabihin sa kaniya sa pagkakataong ito ang katotohanan. Na pinagbentahan ako isang araw ng isang estranghero ng makinang makapagdadala sa’kin sa iba’t ibang mga sangay ng panahon, sa iba’t ibang sikulo ng aming mga buhay upang hanapin ang isang natatanging linya kung saan hindi namin kinakailangang magkahiwalay. Napapangiti siya sa bawat paliwanag ko, ngunit hindi sa parang iniisip niya na nababaliw ako, at imbes ay buong naniniwala sa katotohanan ng sinasabi ko.

“At ilang timeline naman ang napupuntahan mo na?”

“May isang libo na yata. Sinuyod ko ang bawat mundo, bawat sikulo. At sa bawat isa pinanood ko tayong magkita at magkahiwalay. Alam mo ba, somewhere, may daigdig kung saan hindi tayo pinanganak. Naging dalawang magkatabing punongkahoy lang tayo sa gitna ng isang malaking kagubatan.”

“Parang masaya yata ‘yon. Payapa. Tahimik. At ganito pa rin tayo.” Idinantay niya ang ulo niya sa kanang balikat ko. Idinikit ko naman ang mukha ko sa ulo niya, inamoy ang tamis sa kaniyang buhok at balat.

“Hanggang sa magtayo sila ng subdivision.”

Napabulalas siya ng tawa.

“Iyan, ganiyan ka kasi. Lahat ng bagay kailangan mong pag-isipan, suriin kung nasaan na at saan pa papunta. Lahat de-numero para sa’yo na kailangan suriin at italangguhit. Bakit ba hindi ka na lang pumarito?”

“Lagi naman akong nandito.”

“Alam mo’ng ibig kong sabihin,” inangat niya ulit ang ulo niya at hinarap ako. Nilagay niya ang kamay niya sa ibabaw ng noo ko. “Lagi ka na lang nandito. Sabi mo, may nagbenta sa’yo ng relo na kayang magtawid sa’yo sa iba ibang mga uniberso – sana mayroon din makinang magpapasok sa’kin sa isip mo. Ano ba’ng mayroon diyan na hindi ka makabalik sa’kin dito sa totoong mundo?”

Iniwasan ko ang tingin niya. Naramdaman kong totoo ang mga sinabi niya—na matagal ko nang hinahayaang dumulas ang oras sa pagitan ng mga daliri ko, masyadong abala sa pag-aalala kung saan hahantong ang sandali imbes na buhayin ito, kasama niya. Tumingin ako sa paligid namin, sa totoong mundong tinutukoy niya. Mas totoo ba ito kaysa sa mundo kung saan naging mga puno lamang kami, kaysa kung saan isa siyang sikat na pop star at ako ang kanyang diehard fan, kaysa sa mundong pinanggalingan ko? Totoo ang bawat sangay na ‘yon, ang bawat isa sa isang libong sikulo ni Mikha na nasaksihan ko sa aking paghahanap, lahat nabubuhay ngayon sa paligid namin.

“Bakit mo ‘ko kinailangang hanapin dito?” tanong pa niya. “Sa timeline na pinanggalingan mo, ano ba’ng nangyari sa’tin?”

Napapikit ako habang binabalikan ang mga mapapait na alaala na pilit tinatakasan, kahit noong bago ko pa mabili itong relo sa Quiapo. Agad namang nawala ang tunog ng mga busina ng jeep, ang mga malalayong mga tawanan at kuwentuhan ng mga kapwa estudyante sa paligid namin, at napalitan ng mabagal na ritmo ng kantang unang sinayawan namin noong gabi ng kasal namin, kung paano niya pinagtawanan ang paghihirap kong buhatin siya papasok sa pintuan ng kuwarto namin pagkatapos ng mga seremonya. Inilarawan ko para sa kaniya ang apartment na binili namin sa Maynila, malapit sa kabubukas lang na istasyon ng subway sa Quiapo.

“Tapos ano’ng nangyari?”

Isang karaniwang araw sa Ortigas, habang nasa lunch break sila ng mga katrabaho niya. Ikinuwento ko sa kaniya ang mga detalyeng naibalita lang rin sa akin sa telepono nang itakbo nila siya sa emergency room sa St. Luke’s, kung paano siya bigla na lang nanghina at halos mahimatay sa kalagitnaan ng paglalakad, at hindi na agad makapagsalita o makilala ang mga kaibigang pumapaligid sa kaniya.

“Hindi na kita naabutan sa ospital, kahit magpaalam lang. Wala rin masabi sa’kin ang doktor. Nasa’kin ka na, atin na’ng buong buhay, tapos… wala na.”

Tumango siya. Ngunit sa kung anong dahilan ay nakangiti pa rin siya sa’kin, bagaman naging mas seryoso na ang ekspresyon sa mga mata niya.

“Kung ganoon,” panimula niya, “ibig sabihin, minahal kita hanggang sa dulo ng buhay ko.”

May isang itim na SUV ang sandaling huminto malapit sa amin, at magkasabay kaming napatingin at naghintay. May saglit din na ikinatakot kong ito na ang sundo na hihila sa kaniya mula sa sandali naming ito, ngunit agad din naming napansin ang mga numero na plaka na iba sa pag-aari nila. Agad din nagpatuloy sa pag-andar ang SUV papalayo, sa pagtakbo nito may magaang hangin na umihip sa buhok niya at nagdikitan ang mga pulang hibla sa nakangiti niyang mukha. Gamit ang isang daliri, hinawi niya sila sa magkabilang gilid, at muli akong hinarap.

“Pero nandito na ‘ko ulit,” sabi ko.

“At ibig sabihin sumusugal ka ulit,” agad niya namang sinagot. “Ngayong nandito ka, at kasama mo ulit ako, sumusugal ka sa posibilidad na mawawala mo ulit ako. O na mawawala kita. Hindi ba?”

Tumango ako.

“Sa isang libong sikulo ng buhay ko – natin – na nasaksihan mo, panatag akong malaman na sa karamihan nila ay nagkakilala pa rin tayo. Nagkasama, kahit sandali.”

“Hindi ako mag-aalinlangang sumugal diyan. Dito at sa susunod na timeline, sa susunod na sikulo.”

Umiling siya. Hinila niya ang kaliwang braso ko at tinanggal ang suot kong relo. Sabay naming sinuri ang kulay pilak nitong strap, ang dalawang pindutan sa magbilang panig ng pihitan ng oras. Dinaanan niya ng daliri ang mga ito, at nag-alala akong baka mapitik niya ang isa sa kanila.

“Paano kung wala nang susunod na sikulo? Kung dito ka na lang? Ano naman kung hindi ito ‘yong tamang timeline. Para sa’kin, ito’ng nag-iisang timeline nating dalawa. Ayaw kong lamunin tayo ng pag-iisip kung may mas bubuti pa ba sa bawat sandali ng buhay natin, kung may mas isasaya pa tayo.”

Tumango ako. Sumandal siya sa’kin. Tila ilang oras na rin ang lumipas mula noong una kaming umupo dito, at ngayo’y buo na ang pagbalot ng dilim sa paligid ng campus. Wala nang maririnig na jeepney o estudyante sa paligid namin. Ang mundo’y tahimik, at tanging kaming dalawa na lang ang natitira, narito at magkatabi. Iniangat niya ang mukha ng relo nang sa gayon ay malinaw namin itong makita sa ilalim ng kalapit na streetlight. Nilagay niya ang kamay niya sa pihitan.

“Dito ka na lang, okay?”

“Okay.”

Hinila niya ang pihitan. Huminto ang mga kamay sa mukha ng relo.


This story is part of an upcoming chapbook, titled Tatlong Kulay (“Three Colors”). More details coming soon.

Iba pang mga kuwento.