By Dominic Dayta
(The title, in Filipino, translates to: The First Rain in June. This story was first published by Liwayway in the Philippines, in July 17, 2017. All rights reserved.)
Kabado siyang namulat sa maalinsangang umaga, sapagkat sa kaniyang tabi ay hindi niya maulinigan ang paghinga ng kaniyang asawa.
Mag-iisang buwan na mula nang dapuan si Elsa ng kung anong mikrobyo na naging sanhi ng pabalik-balik na lagnat at matinding sakit ng katawan. Mag-iisang buwan na si Elsang hindi makabangon mula sa kama, sapagkat hindi pa man tuluyang nakakatayo ay nahihilo at nasusuka na siya. Mag-iisang buwan nang walang ibang musikang humehele sa kaniya sa gabi, at bumabati sa kaniyang muling paggising kundi ang halong pag-ungol at pag-ubo ni Elsa. May mga gabing maging siya’y hindi na rin makatulog, at pikit-mata na lamang na nakikiramay sa kaniyang asawa, paulit-ulit na nadudurog ang puso sa bawat tunog ng pagdurusa nito, at nananalangin na sa pagsikat ng araw ay lubayan na sa wakas si Elsa ng kaniyang karamdaman.
Ngunit noong umagang iyon na siya’y nagising sa katahimikan, hindi ginhawa kundi malubhang takot ang nanguna sa kaniyang dibdib. Ilang segundo siyang nakatitig lamang sa kisame, pinapanuod ang mabagal na pag-ikot ng ceiling fan, takot na lumingon sa kaniyang tabi. Para siyang binangungot. Dumikit na sa balat niya ang t-shirt niyang basa ng pawis, at hindi niya mahabol ang kaniyang hininga. Ang gaspang ng hangin sa kaniyang lalamunan. Dahan-dahan, tila takot na sawa at hindi asawa ang maaari niyang mahawakan, inabot niya ang kanang kamay sa kabilang bahagi ng kama. Ngunit walang naroon. Agad siyang napalingon: wala si Elsa sa tabi niya.
“Andito ‘ko,” tawag ni Elsa mula sa may bintana. Puno ng kulay ang kaniyang mga pisngi, milya-milya ang layo mula sa maputla at nag-aagaw buhay na Elsa sa kaniyang mga gunita, tulad noong bisitahin sila ng doktor mula sa health center sa karatig na lalawigan at binalitaang walang gamot para sa karamdamang iyon. Ang tamis ng ngiti na bumati sa kaniya mula sa may bintana. Mukhang kanina pa siya gising. Nakaupo siya sa bintana, may makapal na libro sa kaniyang kandungan. Ganoong babad sa liwanag, parang hindi kailanman dinapuan ng sakit si Elsa, at sa unang pagkakataon ay hindi niya maituring na marahas ang araw.
“Kanina ka pa gising? Ano’ng ginagawa mo riyan? Bumalik ka rito, baka ka mabinat.”
“Ayos lang ako,” tawa ni Elsa. “Katunayan, ngayon na lang ulit gumaan ang pakiramdam ko. Parang sayang naman kung sa kama lang ako.”
Lumingon si Elsa sa labas ng bintana. Mula sa kinauupuan niya, tanaw niya ang malawak na palayan ng Santa Cristobal. Paborito niya ang tanawin sa labas ng bintanang ito, lalo tuwing panahon ng ani: luntiang inilatag na parang kumot sa lupain. Gawain ni Elsa ang unahan ang araw sa pagbangon tuwing umaga. Uupo siya doon sa bintana, lalanghapin ang hanging pinabango ng halimuyak ng mga bagong tubong palay, at papanuorin ang mga magsasaka at ang mga kalabaw habang isinasagawa ang kanilang uma-umagang rutina. Sa tapat ng liwanag ng araw na nagsisimula pa lamang bumangon, tanging hugis lamang nila ang kita ni Elsa, mga anino, parang mga papet sa wayang kulit. Bibilangin ni Elsa ang iba’t ibang mga kulay na pagdadaanan ng langit bago tuluyang mag-umaga. Kapag maliwanag na, oras na iyon upang buklatin niya ang librong nakahanda sa kaniyang kandungan, at magbabasa hanggang magising si Noel, na maghahanda ng kanilang kape at almusal.
Ngunit wala ang tanawing iyon upang batiin si Elsa sa kaniyang paggaling. Mag-iisang buwan na rin mula nang tamaan ang Santa Cristobal ng isang mahabang tagtuyot. Wala ni ambon ang bumuhos sa Santa Cristobal mula nang tamaan siya ng sakit. Maging ang mga sapa na pangunahing pinagkukuhanan ng irigasyon ng palayan, bigla na lamang natuyo. Ang luntiang kumot na nakabalot sa lupain, tila binawi ng Diyos na nagbiyaya nito. Ang malawak at mayamang palayan ng Santa Cristobal ngayon ay kalbo, patay.
Bumangon si Noel at sinamahan si Elsa sa may bintana. Tulad ng lagi nilang puwesto tuwing umaga. Magigising siya sa imahe ng kaniyang asawa na nagbabasa habang nakaupo sa bintana, babad sa liwanag ng araw, at nakikisayaw ang bawat hibla ng buhok sa bawat nagdaraang ihip ng hangin. Ngunit walang araw, hangin, o boses ang makapagnanakaw ng atensyon ni Elsa mula sa kaniyang pagbabasa – maliban sa isa: kaya madaling babangon si Noel, pupunta sa kusina, at sa kaniyang pagbalik ay dala niya na ang kape. Dalawang baso: isa sa kaniya, at isa kay Elsa. Tatayo siya sa bintana sa harap ni Elsa, at sa amoy ng mainit na kape ay agad na ihihinto ni Elsa ang pagbabasa, titingala sa naglalambing na ngiti ng asawa, at saka niya babatiin ng magandang umaga, may kalakip na halik.
Magkasama nilang pinagmasdan ang nangingitim na kumot ng kamatayan na bumalot sa lupain ng Santa Cristobal. Niyakap ni Noel si Elsa.
“Ganito na pala ang inabot,” sabi ni Elsa, na ngayon pa lamang nasisilayan ang kinahinatnan ng palayan. Habang may sakit si Elsa at hindi makabangon, minabuti ni Noel na huwag siyang balitaan habang unti-unting nalalagasan ng buhay ang palayan. Sasama lamang ang loob nito, at baka pa makahadlang sa kaniyang paggaling.
“Tanging ang palayang ito ang iniwan sa’king alaala ni Papa,” minsan nang nabanggit sa kaniya ni Elsa. Dating magsasaka ang ama ni Elsa. Haligi ng isang tahanang lubog sa karukhaan, gaya ng karamihan ng mga nabubuhay sa biyaya ng lupa. Ngunit sa itinanim niyang pawis ay nabigyan niya ang kaniyang pamilya ng apat na dingding na matatawag nilang tahanan, pagkain sa hapag, at edukasyon para sa dalawa niyang anak.
Kabilang siya sa unyon na nakiki-usap noon sa gobyerno upang sa wakas ay mabigyan ang Santa Cristobal ng mas maayos na irigasyon. Nabalitaan nila na tumatanggap ang munisipyo ng pondo para dito, mag-iisang dekada na, ngunit wala pa ni isang proyekto ang nakarating sa kanila. Ngunit sa bawat liham nila na sa basura lagi ang uwi, at sa bawat bisita nila sa munisipyo na lagi na lang silang ipinagtatabuyan, napagdesisyunan ng unyon na hindi sapat ang mahinahong pamamaraan upang sila ay mapakinggan: kailangan nilang gumawa ng ingay. Kaya sa tinipon nila ang mga magsasaka upang magsagawa ng mga kilos protesta. Unti-unting dumami ang mga sumisigaw sa plaza sa bayan, sa harap ng munisipyo, sa mga kalsada’t eskinita.
At sila’y pinakinggan. Limang taon na ang nakalilipas mula nang may limang itim na van ang dumalaw sa Santa Cristobal, sa isang gabing tahimik na maging ang mga uwak ay nakatikom ang bibig. Walang hangin na pumagaspas sa mga palay at sa mga dahon ng mga punongkahoy, na tila ang hangin, ang gabi, at ang buong lalawigan ng Santa Cristobal ay magkakasamang nakadama ng takot sa mga ripleng bitbit nila. Inisa-isa nila ang mga bahay ng mga kilalang miyembro ng unyon. Tinipon at dinala sa kanilang palayan. Umulan noong gabing iyon sa Santa Cristobal: hindi tubig kundi bala, at dugo ang naidilig sa lupa.
Ito ang dahilan kung bakit malapit sa damdamin ni Elsa ang palayan ng Santa Cruz. Narito, sa malawak na lupaing ito, buong-tiyaga silang binuhay ng kaniyang ama. Sa lupang ito nabuhay ang kaniyang ama, at sa lupang ito rin siya namatay. Minahal ni Elsa ang palayang iyon na tila sa pagpanaw ay sumalin dito ang kaluluwa ng kaniyang ama, at tuluyang nabuhay bilang ang tubig, ang lupa, at ang mga tubo ng palay.
Kaya naman nang sa wakas ay makita niya ang inabot nito sa isang buong Hunyong tagtuyot ay nakadama si Elsa ng isang malalim at walang kasing-talim na pighati; para na rin niyang nasaksihan sa ikalawang pagkakataon ang kamatayan ng kaniyang ama. Para siyang mawawalan ng balanse. Niyakap niya si Noel, na tahimik lang na nakikidalamhati sa kaniyang tabi.
“Mahal na mahal ni Papa ‘yang lupang ‘yan.”
“Alam ko… alam ko…”
Si Noel man na anak ng isang dentistang may sariling klinika sa bayan (nanay niya – iniwan sila ng kanilang tatay bago pa mag-isang taong gulang ang nakababatang kapatid ni Noel) at kailanma’y hindi umasa sa lupa ay nakadama ng pighati habang pinagmamasdan ang banayad na kamatayan ng sakahan ng Santa Cristobal. Kasama ng pagsama ng lagay ng lupa ang pagsama naman ng karamdaman ni Elsa, at tuwing makikita niya ang kalagayan ng una ay may nanunuksong takot sa kaniyang loob na ‘di kaya’y ito’y signos ng nag-aabang na kapalaran ng huli.
Hindi nagtagal, sa pagod kaiiyak, nakatulog muli si Elsa. Tinabihan ni Noel si Elsa, binalot sa mainit na yakap habang tahimik siyang nahimbing sa kama. Habang si Noel nama’y ayaw bisitahin ng antok, at sa isang buong oras na itinulog ni Elsa ay nakatingala lamang siya sa piraso ng langit na tanaw sa bintana, pinapanood ang mabagal na pagtawid ng mga ulap, sukdulang imahe lamang ni Elsa habang may sakit, ni Elsa noong akala niya’y mamamaalam na ito, ang naglalaro sa kaniyang isipan.
Sa kaiisip ay hindi niya napansin ang pagbagsak ng temperatura ng hangin, habang ang maalinsangang umaga’y nagbigay daan sa kulimlim na tanghali. Maya-maya, sa unang pagkakataoon matapos ang isang buwan ng walang kapatawarang init at tagtuyot, biglang umulan sa Santa Cristobal. Ginising ni Noel si Elsa, na siya namang madaling napabangon ng malakas na tunog ng isang milyong patak ng ulan na bumabagsak sa paligid nila. Tila higit na sa isang buwan ang nakalilipas mula nang huli nilang marinig ang malamig na himig ng ulan.
“Lumabas tayo,” biglang sabi ni Elsa. “Maligo tayo sa ulan.”
Hindi na niya hinintay pa ang sagot ng asawa. Agad tumalon si Elsa mula sa kama, patakbong bumaba ng hagdan, at lumabas sa kalsada. Ang lamig ng ulan sa kaniyang balat. Agad itong nanuot sa tela ng kaniyang t-shirt at palda. Huminga siya nang malalim at tinanggap ang malamig na simoy ng hangin. Matapos ang isang buong buwang wala siyang nalalanghap kundi hanging sobrang init na nakakagasgas ng lalamunan, tinanggap niya ang basa at lamig bilang kumpirmasyon na umayos na ang kaniyang karamdaman, na siya’y muling nagbalik sa buhay.
Sinundan ni Noel si Elsa, ngunit hindi siya agad lumabas sa ulan. Sa may pintuan, pinagmasdan niya ang kaniyang asawa, kalahati niya’y nag-aalala na hindi kaya mabinat si Elsa sa kaniyang ginagawa. Ngunit ang ulan ay tinuturing na biyaya sa Santa Cristobal, lalo ngayong katatapos lang ng isang buwan ng salot na tagtuyot alam niyang buhay ang tanging dala nito. Kaya siya’y napangiti, habang pinagmamasdan si Elsang nakatalikod sa kaniya, nakatayo lamang sa ulan, nakatingala at bukas ang mga braso na tila nais niyang yakapin ang ulan.
Sa isip ni Noel, anong ligaya kaya ang nararamdaman niya ngayon, at bumalik sa kaniya ang alaala nang sila’y ikakasal pa lamang. Sa simbahan habang pinapanood niya ang mabagal na pagmartsa nito papalapit sa kaniya, tahimik niyang ipinangako sa sarili, sa Diyos, na araw-araw niyang paliligayahin si Elsa.
Ngunit maya-maya lang ay biglang humarap sa kaniya si Elsa, at hindi ligaya kundi lungkot ang kaniyang nabasa sa mukha ng asawa. May pighating batid ang tingin nito. Bahagyang bumuka ang bibig ni Elsa, sana’y may sasabihin ngunit hindi mahanap ang mga salita, kaya walang tinig na lumabas. Napakaripas ng takbo si Noel. Nilapitan niya ang asawa, hinawakan ang mga kamay nito, at tinanong kung ano ang problema. Hindi agad nakasagot si Elsa. Inulit ni Noel ang tanong niya.
“Ipangako mo sa’kin,” biglang nasabi ni Elsa, sa boses na mahina ngunit buong buo sa pandinig ni Noel sa kabila ng nakabibinging sigaw ng ulan, “na patuloy ka pa ring mabubuhay nang masaya kahit pa wala na ako.”
Hindi makapaniwala si Noel sa kaniyang narinig.
“Huwag kang magsalita ng ganiyan, Elsa.”
“Ipangako mo sa’kin. Ipangako mo sa’kin ngayon.”
“Magaling ka na. Huwag kang magsalita ng ganiyan.”
Napaiyak si Elsa. Kubli ng ulan ang pagpatak ng mga luha, ngunit kitang kita niya ang lungkot at sakit na kumukulay sa mukha ng kaniyang asawa. Kahit sa gitna pa ng ulan, dinig niya ang pag-iyak ng puso nito. “Ipangako mo sa’kin, pakiusap. Na kapag wala na ako, hindi ka magpapatalo sa lungkot. Na babangon ka pa rin sa umaga, kakain ng masarap na almusal. Na lalabas ka, magtatrabaho, makikipagkita sa mga kaibigan mo.”
Sasabihin niya sana: ayaw ko. Sasabihin niya sana: tinatanggihan ko ang isang mundong wala ka. Ngunit dama niya ang lumalalang kalungkutan sa loob ni Elsa habang hinihintay nito ang kaniyang sagot, at saksi ang ulan sa pighating humiwa sa puso niya nang sabihin niya: “Oo. Pangako.” At sa pagsabi niya nito’y napangiti si Elsa, at hinila siya nito papalapit upang siya’y mahalikan sa noo.
At doon niya napansin: sa bawat patak ng ulan na tumatama sa kaniya, unti-unting naglalaho si Elsa. Tila ba’y may kinukuhang bahagi ni Elsa ang bawat patak. Napalaki ang mga mata ni Noel nang makita ang mga paa, hita, braso, maging ang mukha ni Elsa na tila natutunaw na sa ulan. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya alam kung ilusyon lamang ba iyon ng ilaw o kung ano man.
“Elsa?”
Tumawa si Elsa. “Huwag kang mag-alala. Ayos lang ako.”
Hinila niya ang natitirang bahagi ni Elsa sa isang mahigpit na yakap, dinidiin sa kaniyang sarili ang bawat bahagi ni Elsa, yakap na ayaw magpakawala, yakap na takot mawalan. At sa kaniyang mga braso rin, dama niya ang mabagal na pagkawala ni Elsa, habang lumiliit… lumiliit ang anyong yakap-yakap niya.
Narinig niya pa ang malamig na tinig ni Elsa: “Huwag mong tatalikuran ang pangako mo sa’kin, pakiusap. Gusto ko, masaya ka.”
“Elsa,” sambit niya. “Elsa, huwag mo ‘kong iwan.” Ngunit hindi na nakasagot ang kaniyang asawa. Sa kaniyang mga braso naramdaman niyang wala na siyang yakap-yakap. Bumagsak siya sa kaniyang mga tuhod, at tumingala sa langit, sa kulimlim na langit. Ang kaniyang asawa. Minamahal. Pinakamatalik na kaibigan. Si Elsa – kinuha na ng ulan.
Leave a Reply